Reared Melodies

...i dream...i write...i live...

Reaksyon sa isang “nawawalang” sanaysay

http://blogwatch.tv/2011/08/language-learning-identity-privilege-by-james-soriano/ 

Sa link na nasa itaas, matatagpuan ang isang sanaysay mula sa isang sikat na online news site. Noong una, hindi ko alam kung bakit naglipana sa facebook ang isang link upang mabasa ang sanaysay na ito. Kakabit ng nasabing link ang iba’t ibang reaksyon mula sa mga kakilala ko. Ano nga ba ang laman nito? Bakit ito maituturing na kontrobersyal?

Nang subukan kong puntahan ang orihinal na link na nakadirekta sa Manila Bulletin news online, hindi ko na matagpuan ang sanaysay ng isang nagngangalang James Soriano. Nahanap ko na lamang ito dahil sa isang post ng kaibigan ko.

Sa unang pangungusap pa lamang, nakita ko na ang buong problema ng pinupunto ni Soriano. Malaki ang pagkiling nito sa Ingles, habang ang Filipino naman ay kanyang tahasang minamaliit. Binanggit ng may akda ang kanyang karanasan, mula pagkabata ay Ingles na ang nakamulatan niyang wika. Hindi na nakapagtataka kung bakit naging mahusay siya sa pagsasalita nito. Dahil din ito ang ginagamit niya sa paaralan at maging sa bahay, ang paraan ng pag-iisip niya ay sa Ingles. Bagamat hindi naman masamang maging mahusay sa wikang ito, hindi natin maaaring sabihin na mas nakahihigit ito sa iba pang wika -lalo na sa wika ng bansang pinanggagalingan ng isang tao.

Sa aking patuloy na pagbabasa, hindi ko maiwasang kausapin ang mismong binabasa ko. Sinasabi nitong ang Filipino ay “other” subject lamang, ngunit hindi nito maunawaan kung bakit kahanay nito ang mga tinaguriang major subjects na pinag-aaralan sa paaralan. Bukod pa rito, ikinumpara niya sa isang “chore” ang wikang ito. Ang Filipino ay hamak na wika lamang ng mga tagahugas ng pinggan. Ito diumano ang wika ng mga nasa mababang uri (na kanyang tinukoy bilang katulong, drayber, tindera) at hindi ito ang “language of learning” o “language of the learned”. Hindi ako makapaniwalang nababasa ko ang ganitong uri ng sanaysay na may lakas ng loob na ipamudmod ang kanyang palagay o opinyon sa wika.

Napakarami kong gustong ibatong mga katanungan sa may akda. Una, ano ang nagtulak sa kanya upang isulat ang sanaysay na ito? Ikalawa, akala ko ay aral ka? Bakit hindi mo alam ang ugnayan ng wika sa tao o lipunan? (Na nakadepende ang kahalagahan ng wika sa isang indibidwal o lipunan sa pangangailangan nila rito. Hindi lamang ito usapin ng sentimyento o ‘di kaya’y identidad. Bagkus, ito rin ay usapin ng kung ano ang maidudulot ng isang wika sa kanilang pamumuhay.) Ikatlo, sino ka para sabihing hindi wika ng pagkatuto ang Filipino? Hindi mo ba alam na wika rin ng akademya ang Filipino, at napakarami ng mga ambag na pag-aaral ang naisulat sa wikang ito? Kung alam mo man ito at hindi lang matanggap ang katotohanan, magbasa ka ng mga akda ng mga manunulat o mananaliksik sa Filipino. Ikaapat, ano ang tingin mo sa mga taong nagsasalita nito gaya ng mga tindero? Maaaring hindi sila nagtamasa ng pormal na edukasyon ngunit hindi ibig sabihin ay hindi sila edukado. Mahiya ka, baka mas magagaling at malawak pang mag-isip ang mga “inuutus-utusan” o mga “binibilhan” mo kaysa sa’yo. Ikalima, bakit nawawala na ang sanaysay mo (kung saan ito orihinal na inilimbag)? Akala ko pa naman proud na proud ka at matibay ang paninindigan sa mga pinagsasabi mo. Akala mo siguro walang tutunggali o magtutuwid sa pananaw mo? Pabigla-bigla ka kasi eh, tinapat mo pa sa mismong Buwan ng Pambansang Wika ang paglabas mo ng mga baluktot na argumento. Doon pa lang, malamang talo ka.

Sa kabilang banda, nakikita kong produkto si James Soriano ng kasalukuyang sistema ng edukasyon na labis ang pagtangkilik sa Ingles, at ibinababa ang kahalagahan ng Filipino. Ang sanaysay niya ay manipestasyon lamang ng paraan ng pagpapalaki at pagmumulat sa kanya ng mga taong nasa paligid niya. Bagamat maaaring ikunsiderang biktima ng maling sistema at paghuhulma ng kaisipan si Soriano, hindi naman nangangahulugan na dapat niyang ipagpatuloy ang kanyang pagkakamali. Sa mga nakukuhang komento ng kanyang sanaysay, sana mapagtanto, matutuhan, at matanggap din ni Soriano na nagkamali siya. Kung hindi man niya ito magawa mula sa pagbabasa o pakikinig ng mga reaksyon ng taumbayan, subukan niya sanang pag-aralan ang Filipino, hindi lang bilang wika na hiwalay sa lipunan kundi isang wika na kakabit ng kulturang Filipino.