Reared Melodies
...i dream...i write...i live...
...i dream...i write...i live...
Alas diyes pa lamang ng umaga ay nasa loob na ako ng mall kahit hindi man lamang pa nakakapag-almusal at nakakapagpalit mula sa kahapon ko pang suot na itim na blusa. Hindi ito ang aking unang beses na pumasok sa mall. Lalong hindi rin ito ang una kong beses na pumasok dito na wala pang ligo o kain. Marahil kung may maituturi man akong unang beses, ito na yata ang pagtapak ko rito sa mismong oras ng pagbubukas nito –na wala man lamang kasama.
Ganito pala ang pakiramdam…nakakapanibago. Sa aking paglilibot na walang tiyak na patutunguhan, ngayon ko lamang napansing ganito kaliwanag sa buong mall. Gawa ng ilaw mula sa ‘di mabilang na bumbilya at ng ilaw mula sa labas na pilit pumapasok sa loob, nakasisilaw na liwanag ang aking nasisilayan ngayon. Sa pagpapatuloy ko sa paglalakad, napansin kong bihira rin ang mga taong naglilibot at namimili kahit kabi-kabila ang mga tindahan. Palibhasa’y nagbubukas pa lamang ang ilan dito kaya naman wala rin masyadong makikita. Napakapayapa ng mall, ngunit tila naman pagkabagal-bagal ng mga nangyayari.
Nang lumipas ang mahigit dalawang oras, ang payapang mall kanina ay unti-unti nang umiingay at nagiging siksikan. Nagsisidagsaan na ang mga tao galing sa iba’t ibang lugar, at nagkakaroon na rin ng sigla ang buong lugar. Mas marami na ngayon ang mga naglilibot gaya ko, mas marami na ang pumapasok at namimili sa mga tindahan, ang mga kumakain sa mga restawran, ang mga nanunuod ng sine, at mas marami na rin ang mga naglalaro o ‘di kaya naman ay sumasakay sa mga rides. Sa pagtitig ko sa mga taong ito na ay nalilimutan ko ang gutom at pagod mula sa paglalakad. Sa dami ng mga nakikita ko, nalilibang na rin ako –kahit papaano.
Nagpatuloy lamang ako sa paglakad at panunuod sa mga tao. Ang tanging pagtigil ko lamang sa paglalakad ay ang pagbili ko ng kaunting meryenda at ang pag-upo sa isa sa mga nagkalat na upuan sa mall. Napatigil man sandali ay hindi ko pa rin mapigilang mapatulala sa mga tao sa aking paligid. Parang nanunuod lamang ako ng TV, sari-sari ang sitwasyong nakikita ko. May dalagang abot tainga ang ngiti dahil sa kwintas na binili sa kanya ng nobyo, may mga batang walang tigil sa pag-iyak sa paghahanap sa magulang na nahiwalay, at mayroon ding mga nagtatagpong magkakaibigan na matagal ng hindi nagkikita.
Bawat oras na lumilipas, ganito lamang ang aking ginagawa. Dahil dito, hindi ko na halos napansing pinapatay na muli ang mga ilaw sa mga tindahan, at unti-unti na ring nagsisilabasan ang mga tao. Alas diyes na pala ng gabi, hindi ko na namalayan ang oras. Hindi ko akalaing aabutan ko na rin ang pagsasara ng mall. Ang bilis…napakabilis, tulad ng bawat pagsalubong at pagsalisi sa mga taong nagdaraan sa mall.
-Ang sinulat kong ito ay bahagi ng writing exercises na ginawa namin para sa subject na pagsulat ng maikling kwento (MPs 173). Pinasulat ng aming propesor kung ano kaya ang magiging pananaw ng isang matandang babaeng kamamatay lamang ng asawa kapag pumasok ito sa mall. Nais niyang iugnay namin ang konspeto ng mall sa human existence. Sa aking isinulat, iniugnay ako ang karanasan sa mall (partikular ang oras kapag nasa loob nito) sa kahabaan (o kaiklian) ng buhay ng tao.