Reared Melodies

...i dream...i write...i live...

Dingding

            Sa muling pagbisita niya sa bahay matapos ang dalawampu’t isang taong hindi ito nauuwian, hindi na nakapagtataka kung bakit ganito na lamang ang naging anyo nito. Dahil sa tagal ng panahong walang tumira, humalili na lamang ang mga ipis at daga sa pamamalagi at pagbabantay sa buong bahay. Nakitira na rin ang makakapal na alikabok at agiw na kinumutan ang tila nilalamig na mga bahagi ng looban ng bahay –ang kisame, sahig, lalung-lalo na ang dingding.

            Habang pinupuntahan ang bawat bahagi ng bahay, hindi niya maalis ang kanyang tingin sa mga dingding. Panay ang pagtingin at paghawak niya rito na tila may hinahanap na palatandaan. Sa pagpanhik niya sa ikalawang palapag kung nasaan ang mga kwarto, nakita niya rin ang kanyang hinahanap. Ito ay ang dingding na nasa pagitan ng mga pinto ng dalawang kwarto. Kapansin-pansing hindi na matukoy ang dilaw na kulay nito dahil sa alikabok at sa tagal na rin ng panahong huli itong napinturahan. Nawala na ang katingkaran nito na dati’y maihahalintulad pa sa sikat ng araw. Ngayon, ang dingding na nakatambad sa kanyang harapan ay kakulay ng langit na natatakpan ng makakapal at mabibigat na ulap.

            Nilinis niya ang makapal na alikabok sa may dingding na para bang naghahawi ng ulap upang makita muli ang araw. Habang ginagawa ito ay unti-unti na niyang nakikita ang dating hitsura ng dingding na nagbabalik sa kanyang alaala ng kanyang kabataan. Nakita niyang naroroon pa rin ang mga linyang iginuhit ng kanyang ama upang malaman kung gaano na kalaki ang kanyang itinangkad. Naroroon pa rin ang mga inuwi niyang istiker noon na idinikit nilang mag-ama sa tuwing nakakakuha siya ng mataas na grado. Naroroon pa rin ang isinulat niyang kanta ng “tagutaguan” na hindi niya masaulo noon kapag sila’y naglalaro. At naroroon pa rin pala ang malaking lamat na nagmumula sa kaliwang itaas na kanto nito hanggang sa ibabang kanan, na hindi na nagawang palitadahan ng kanyang ama dahil namatay na ito.

            Lahat ng mga alaalang ito ay nagbalik, sa sandali lamang na nakita niya ang mga markang nasa mukha ng dingding. Ang dingding na tanda ng mahigpit na ugnayan nila ng kanyang ama, ay siyang tanda rin ng pagkakahiwalay niya rito.

            Halos mag-iisang oras na siya sa kakatitig sa dingding. Matagal siyang nawala kaya naman binubuhay niya muli ang lahat ng alaala at naging pakiramdam niya sa mga panahong iyon. Ngunit bukod sa saya at lungkot, may iba pa siyang nadama. Naramdaman niyang umuuga ang lupa at napansin niyang lalong lumalaki ang lamat sa dingding.

-Ito ay aking ipinasa kanina lamang para sa Malikhaing Pagsulat 173 subject ko (pagsulat ng maikling kwento). Alam kong marami pang kailangang ayusin pero kahit ganoon, masaya pa rin ako dahil nakatapos ako ng isang maikling akda. :) 

  1. deiderfender posted this