Reared Melodies

...i dream...i write...i live...

Labinlimang segundo ng eklipse

Kapwa tayong pinagtagpo ng isang insidente
Ikaw ang buwang tumakip sa araw na padungaw
Dahilan ng pagbangon ko ng alas singko kinse
Kung saan kita unang namasdan, unang natanaw.



Ipinatunghay mo noon sa aking mga mata
Ang hiwaga ng ‘yong namumukod-tanging anino
Na pinalilibutan ng mapusyaw na pigura –
Sinusuri kita, ngunit ako ba ay pansin mo?



Tila kalahating dipa lang ang ating pagitan
Sa ‘king kinatatayuan pinilit kang maabot,
Layo ng agwat natin ay hindi inaasahan
Nais ko’y makilala mo lang ako’t ‘di malimot. 



Bago ka pa malapitan anino mo’y naparam,
Salamisim na lamang ang pagdaan mo’t paalam.

  1. gunigunitgunita reblogged this from deiderfender
  2. deiderfender posted this